Matapos ang matinding banat kay Pangulong Rodrigo Duterte mula sa testigong nagpakilalang miyembro ng umano’y Davao Death Squad (DDS) na si Edgar Matobato na iniharap sa Senado ni Sen. Leila de Lima, may matinding buwelta naman ang kabilang kampo.
Sa pagdinig na isinagawa ng Committee on Justice sa Kamara, may mga testigong iniharap ang Department of Justice (DOJ) laban kay De Lima.
Isinalang ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang anim na testigo na nagbunyag sa talamak na operasyon ng iligal na droga sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa at nagsasangkot sa senadora.
Sinabi pa ng isang testigo na 80 porsyento ng mga inmate sa NBP ang mayroong cellphone at gadgets noong kalihim ng DOJ si De Lima.
Sa puntong ito, may malaking tungkulin na ginagampanan ang media para maihatid sa madla ang bawat pagbubunyag ng magkabilang-panig. Napanood nang live sa telebisyon, napakinggan sa radyo at kinabukasan mababasa sa mga pahayagan.
Ang taumbayan na ang bahalang humusga kung sino sa akala nila ang higit na may kredibilidad sa magkabilang-panig. Sana ay pareho ninyong napanood.
Ang ating lamang inaasam ay manatiling malaya na makapaghatid ng balita ang tri-media at ngayon nga tinatawag silang multi-media.
Partikular nating tinutukoy ang kalayaan sa pamamahayag na natural sa bawat nilalang at kinikilala ng ating kasalukuyang Saligang Batas o Konstitusyon.
Sabi ng Konstitusyon sa Article 3, Bill of Rights, Section 4, “No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.
Sa ibang salita, ipinagbabawal ng Konstitusyon ang paggawa ng batas na magpapawalang-saysay sa kalayaan sa pagsasalita, sa pamamahayag, sa press o media o karapatan ng mamamayan na tahimik na magtipun-tipon at maghain ng reklamo laban kahit sa gobyerno.
Hayaan sana nating dumaloy ang lahat ng direktang impormasyon na dapat malaman ng bawat Pilipino kahit sila man ay nasa ibang panig ng mundo.
Sa pamamagitan nito, ay sila na mismo ang makakapagpasya kung sino ang kanilang paniniwalaan.