Sino ang maysala?

Lahat ay nakaka-relate sa pagpapasara ng National Telecommunication Commission (NTC) sa giant TV network na ABS-CBN.

Kaya naman halos lahat ay nagluluksa sa pag-sign-off ng ABS-CBN noong Martes nang gabi matapos ang 25 taong paghahatid ng saya, tuwa, balita, at impormasyon sa loob ng tahanang Pilipino.

Dahil halos lahat affected, may mga netizens ang naglabas ng galit at sama ng loob sa social media. Lalo na’t kailangan ng mamamayan ng mga maasahang kaalaman ngayong panahon ng COVID-19.

Madami tayong eksenang natunghayan sa social media kasunod ng pagkawala sa ere ng ABS-CBN dahil biglang nawala ang nakagawian lalo na ngayong lockdown.

Pero sino ba talaga ang may kasalanan dito?

Sa tingin ko walang sablay sa kapalaran ng ABS-CBN ang NTC. Kahit ito ang nag-isyu ng “cease and desist” order sa ABS-CBN.

Talaga namang trabaho ng komisyon na ipatigil ang alinmang kompanya kung walang pinanghahawakang legislative franchise, anumang istasyon ito.
Ang problema lang siguro sa panig ng NTC ay ang timing. Nangyari ito kung saan may pandemic at hindi makagalaw ang karamihan.

Maging si Solicitor General Jose Calida na nagpaalala sa NTC ng kanilang trabaho at eksperto sa batas na si dating Supreme Court Justice Antonio Carpio ay nagpahayag na hindi tamang sisihin ang NTC.

Para kay Calida, sinusunod lang ng NTC ang batas at hindi ito dapat na sisihin.

Samantalang si Justice Carpio naman ay nagsabing “I don’t think that the House or committee of the House has the authority to compel NTC to issue provisional authority. There is no basis to give a provisional authority because there is no franchise.”

Ibig sabihin, walang magagawa ang NTC (kahit gustuhin) kung eere ba o hindi ang mga programa ng Dos dahil hindi ito saklaw ng kapangyarihan ng tanggapan.

Kaya malinaw na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ang dapat pagbuntunan ng galit ng mga tagahanga ng Kapamilya network.

Ang Kamara lang ang may kapangyarihan na maggawad ng legislative franchise at klaro ito sa ating Saligang Batas. Pero ang tanong anyare sa Kamara?

Hindi ba’t Oktubre 29, 2010 nang ibida ni Speaker Alan Peter Cayetano na didinggin na nila ang limang panukalang nagsusulong ng renewal ng ABS-CBN franchise?

Kanya nga lamang isinaalang-alang yata ng Kamara ang galit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Dos bunsod ng hindi paglabas ng kanyang 2016 presidential campaign ads kaya natigalgal at walang nagawang aksyon.

Ang sumunod na pangyayari ay muling nangako ang liderato ng Kamara na sa 2020 nila uupuan ang mga ABS-CBN franchise renewal bills.

Pero pagpasok nang 2020 hanggang sa magsara ang sesyon ng Kamara noong Marso ay isang committee hearing lang ang nangyari ukol sa franchise renewal.

Maging sina Buhay Rep. Lito Atienza at Albay Rep. Edcel Lagman ay hayagang nagsabing nasa liderato ng Kamara ang pagkukulang.
Sa mga inilatag nating senaryo, tiyak na bulag at bingi ka kung hindi mo makikita kung sino ang may pagkukulang?