Sumurender na ang beteranong aktor na si Julio Diaz sa Meycauayan City Police Station na sinasabing nasa watchlist ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) dahil sa pagamit ng iligal na droga.
Lumutang ang premyadong aktor para linisin ang kanyang pangalan dahil huminto na ito sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ang aktor na si Diaz ay idiniin ng mga barangay officials na gumagamit ng shabu at maraming nagpapatunay dito kaya isinama ito sa drug watchlist.
Kaya naman sa kabila ng testimonya ni Diaz ay tututukan pa rin ng Meycauayan Police ang aktor at isasailalim sa Oplan Tokhang kapag hindi nagbago.
Saludo tayo sa ginawang paglutang ng premyadong aktor sa himpilan ng pulisya at pagpapatunay ito na seryoso siyang talikuran ang masamang bisyong pinagdaanan.
Pero sa totoo lang napakasuwerte pa rin ng aktor dahil kung naiba ito at naging isa lamang ordinaryong adik ay malamang 6 feet below the ground na ito at nagawan ng kung anu-anong kuwento.
Pero ang tanong maliban kay Diaz, wala na bang iba pang magsusuko ng sarili?
Hindi naman siguro nag-iisa ang actor na nalihis ng landas at gumamit ng iligal na droga kaya ang tanong sino pa kaya mula sa showbiz industry ang magkakalakas ng loob na lumutang at amining nalulong sa masamang bisyo pero handang magbago bilang pakikiisa sa administrasyong Duterte?
Maliban sa mga taga-showbiz mayroon din kayang susurender na sangkot din sa operasyon ng iligal na droga na mula sa maiimpluwensyang angkan sa ating lipunan?
Alam nating marami-rami ang mga ito kaya nga lamang ang nabibigyang-pansin pa lamang ng kasalukuyang gobyerno ay ang mga kababayan nating gumagamit ng poor man’s drugs o ang shabu.
Kaya ang aking katanungan, kailan naman kaya sisimulan ang operasyon laban sa mayayamang gumagamit ng mamahaling uri ng iligal na droga?
Ang tanong kasama ba sila sa pasusukuin, o para lamang sa mahihirap na adik at small-time na pushers ang kampanya ng gobyerno kontra illegal drugs?
Wish ko ay hindi naman dahil napakaraming mayayaman ding nalilihis ng landas dahil sa paggamit ng pangmayamang mga klase ng iligal na droga.
Ang kagandahan lamang sa mga ito ay hindi sila nasasangkot sa street crimes dahil mayroon silang pantustos sa kung anumang bisyong kanilang pinapasok.