Sa unang tatlong buwan ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, sino kaya ang unang magiging casualty sa hanay ng mga opisyales nito?

Usap-usapan sa lahat ng sulok ng Kongreso na si dating Marine Capt. Nicanor Faeldon ng Bureau of Customs (BOC) ang unang mag-aalsa balutan sa mga opisyales ni Pangulong Digong.

Naging NPA as in non-performing asset daw kasi si Faeldon, paano ba naman kasi, sa unang buwan ng kanyang panunungkulan ay gumawa na ito ng record matapos makapagposte ng P13 bilyong shortfall sa koleksyon ng buwis.

Mabuti sana kung nakabawi ang BOC sa buwan ng Agosto dahil kapos pa rin ng P1.7 bilyon ang koleksyon ng buwis. Magaling humawak ng baril si Faeldon, pero pagdating sa koleksyon ng buwis, sablay ang target nito para sa buwan ng Agosto.

Ang orihinal na target nga raw ay P40.9 bilyon pero ibinaba ang target sa P34.3 bilyon, subalit sumablay pa rin ang BOC. Sa laki ng mga naipong shortfall sa koleksyon ng buwis, nawawalan na raw ng tiwala sa kanya si Finance Secretary Carlos Dominguez III.

Subalit hindi lang daw ang revenue shortfall ang isyu laban kay Faeldon, may mas mabigat na isyu pa raw dito na tiyak na ikakagalit ng nagtalaga sa kanyang si Pangulong Duterte.

Sumikat si Faeldon dahil sa mga selfie niya sa mga military camp noong panahong tinutugis siya ng mga awtoridad. Bumiyahe rin ito patungong West Philippine Sea (WPS) kasama ang grupo ng kabataan kaya nga napabilib niya si PDu30. Ang masaklap, kahit nasa BOC na, parang pumasada pa rin ang dating Marine Capt.

Mabuti na lang, hindi sumiksik sa kilikili ni Faeldon ang dating hubaderang si Mocha Uson, eh baka pati siya ay madamay sa naging kapalpakan ng dating military officer.

***

Naluklok si Senate President si Aquilino ‘Koko’ Pimentel III noong Hulyo 25 sa boto ng 20 senador mula sa kabuuang 24 miyembro ng Senado. 13 lang ang kailangan para maluklok na Senate President pero sobra-sobra pa ang nakuhang bilang ni Pimentel.

Indikasyon ba ito na hindi matitibag sa puwesto si Pimentel? Mukhang hindi dahil hindi naman hawak sa tenga ni Pimentel ang 20 senador na bumoto sa kanya.

Sa totoo lang, si Senate Majority Leader Vicente ‘Tito’ Sotto III ang tunay na may numero para maging Senate President. ‘Yung nga lang, ayaw pa ni Sotto na maging Senate President.

Maybe, pagkatapos ng termino ni Pimentel sa 2019, si Sotto na ang mahirang na bagong Senate President. Wala na rin sa 2019 si Sen. Alan Peter Cayetano, ang unang nakalaban ni Pimentel sa gapangan sa mga senador para makuha ang magic number.

***

Kung makadadalaw kayo sa sesyon ng Senado, makikita niyo ang magandang babaeng nagsisilbing executive assistant ni Sen. Risa Hontiveros. Maamo ang kanyang mukha at parang labanos sa kaputian, ‘yun bang tipong wife material para sa mga sikat na personalidad.

Ang chika, bago pala nagtrabaho kay Hontiveros ang magandang dilag, nagtrabaho rin ito sa tanggapan ni Pimentel. Kung bakit pinaalis sa tanggapan ni Pimentel ang tsik, malalaman niyo ito over a cup of coffee sa mabait na media officer na si Omeng Manlangit.