Na-trade si Christian Standhardinger ng San Miguel Beer kay Mo Tautuaa ng NorthPort nitong Martes. Tanong ng marami, sino ang nagwagi sa kanilang team — San Miguel ba o Northport?

Sa aking palagay, pareho lang. Ito ang trade na walang lamangan.
Sa PBA Commissioners Cup pa lang, may naririnig na akong mga usap-usapan na si Standhardinger ay ‘di masaya sa kanyang ­playing time. Sabi ni coach Leo Austria sa akin, talagang mawawalan siya ng playing time dahil may import.

So apat na lang na puwesto ang pinag-aagawan ng mga manlalaro. Sa rotation, siyempre nandyan ang point guard na ‘di puwedeng mawala. Ginagampanan ito nina Alex Cabagnot, Chris Ross, at Terrence Romeo.

Sa shooting guard naman sina Marcio Lassitter, Von Pesumal, Ronald Tubid, at Paul Zamar; sa mga big men sina Standhardinger, 5-time MVP June Mar Fajardo, Arwind Santos, Kelly Nabong, at import Chris McCullough at ngayon, si Dez Wells na.

Natural mababawasan ang mga playing time ng mga big men ng San Miguel. Kung dati-rati, mahaba-haba ang playing time ni Christian, na gumagawa ng 23 puntos, sa kasalukuyan torneo, nabawasan ang kanyang oras sa loob ng court, pati siyempre ang kanyang puntos at rebound.

Ito ang ayaw ni Christian, gusto niya talaga niya ng mahabang playing time.
Sa paglipat niya sa Northport, siguradong hahaba ang playing time ni Christian. Siya ang magiging main big man ng Batang Pier. Sigurado ako na mag-bo-blossom ang karera ni Standhardinger sa bago niyang team.

Si Tautuaa naman ay napunta sa SMB. Makakatulong siya nang malaki kay Fajardo, na isang wide bodied player. Nang malipat siya sa NP mula Talk ‘N Text bago pa sa bago niyang koponan, gumanda ang statistics niya.

Ang laki ng improvement ni Mo at tiyak makakatulong siya kay June Mar sa ilalim. Kaya ang aking palagay, parehong nanalo ang dalawang koponan sa trade. Halos pareho sila ng edad, at estilo ng paglalaro. Ganito dapat ang mga mangyayaring trade sa PBA.