Sina Alyssa Valdez, Rachel Anne Daquis, Kim Fajardo at Aiza Maizo-Pontillas ang pagpipilian ni national team coach Francis Vicente ng magiging team captain ng Philippine women’s volleyball team.

Ayon kay Vicente, itatapat niya ang dating magkaklase sa high school na sina Valdez at Fajardo laban kina Daquis at Maizo-Pontillas sa ‘Clash of Heroes’ exhibition game sa Mayo 15 upang aniya’y mas maging malinaw ang gagawin ­niyang pagpili.

Ang ‘Clash of Heores’ ay hindi lamang ‘fund-raising­ event’ para sa training ng team, kundi magsisilbi ring pagsubok sa mga manlalaro para mapasama sa 18 official lineup na isasabak sa SEA Games sa Kuala Lumpur sa Agosto.

“Wala pa kaming napipili para maging team ­captain,” lahad ni Vicente.

“Let’s see, baka sa Clash of Heroes may lumutang diyan na totoong leader. Makikita niyo naman lahat ‘yun kung sino ang talagang mag-i-step up eh.”

Si coach Sammy Acaylar ay naihayag nang si Johnvic de Guzman ang skipper ng men’s team.

Ang apat na kandidata ay hindi na bago sa pagi­ging lider ng koponan. Katunayan, si Valdez ay naging skipper na ng 2015 Philippine team na lumaban sa Asian U23 World Championship at naging flag-bearer pa ng Pilipinas sa Singapore SEAG.

Si Fajardo naman na isang UAAP veteran ang nanguna sa pag-akay sa La Salle sa kampeonato noong nakaraang taon.

Habang si Daquis ay team captain ng PSL-F2 Logistics team na lumahok sa 2016 FIVB Wo­men’s Club World Championship.

At si Maizo-Pontillas ay naging lider naman ng PSL All-Star team sa ThaiDenmark League noong 2016.