Sino sa tingin ninyo, SMB ba o Magnolia?

Charlie Favis

Nakasungkit na ang Magnolia Ang Pambansang Manok ng dalawang panalo hanggang nitong Martes sa kasalukuyang championship series nila ng San Miguel Beer sa PBA Philippine Cup.

Panalo ang Magnolia sa unang laro (99-94), San Miguel ang kumuha sa ikalawang laro (108-101). Noong Linggo sa game, tapos ng magandang pagbalasa ng mga player ni coach Chito Victolero ng Magnolia, tinalo na ng Hotshots ang Beermen (86-82).

Sa aking palagay, sa ikaapat na laro ng dalawang koponan Miyerkoles nang gabi, mahahanap na naman ng multi-titled coach ng San Miguel na si coach Leo Austria ang tamang adjustment at diskarte upang talunin ang Magnolia.

Naglalaban pa ang dalawang teams habang isinusulat ang kolum na ito.

Bihira kasi matalo nang sunod-sunod ang Beermen kaya, sisiguraduhin ni Coach Leo na manalo sa ikaapat na laro para maitabla ang series sa 2-2.
Mahaba-haba pa ang serye, pero mahirap talaga matalo ang Beermen dahil nasa kanila ang five-time MVP na si June Mar Fajardo.

Dinagdagan pa ng dalawa sa pinakamagaling na point guard sa liga, si Alex Cabagnot at Chris Ross, ang defensive specialist na si Arwind Santos na may magandang tira sa 3-point area, at kung hindi umubra si Fajardo sa ilalim ng basket, nandoon din si Marcio Lassiter o si Von Pesumal na nakaabang para tumira sa labas.

At kung nagsabay si Christian Standhardinger sa loob kasama si June Mar, mahihirapan kahit ano’ng koponan na makalaban ng defending champions. At itong koponan ay napakarami nang championship experience.

Ang maganda naman sa Magnolia ay pagdepensa sa MVP, pinapahirapan nila si June Mar. Mukhang epektibo ito kasi minsan, may double o triple team kay June Mar.
Alam nila na first option sa opensa ng Beermen ay si June Mar.

Mahaba-haba pa ang series. Parehong may tsansang manalo sa isa’t isa ang dalawang magkatungali.

Pero sa tingin ko, mananalo pa rin ang Beermen sa seryeng ito.