Dikdikang series din ang inaasahan ng ilang coaches sa pagitan ng Magnolia Pambansang Manok Hotshots at Alaska sa finals ng PBA Governors Cup.
Babasagin ang race-to-four affair sa Dec. 5 sa MOA Arena, nakikita ng dalawang champion coaches na toss-up ang Aces at Hotshots. Walang nakakalamang.
Hindi na masosorpresa si Leo Austria ng San Miguel Beer kung masasagad ang serye.
“I expect a Game 7 that would make the PBA fans very happy,” aniya.
Mas konkreto ang pananaw ni coach Louie Alas ng Phoenix.
“Strength and weaknesses almost even,” wika ni Alas. “Kung sino ang less turnovers at mas marami ang offensive rebounds, siya ang mananalo.”
Para kay national mentor at NLEX coach Yeng Guiao, may slight edge ang Magnolia sa frontcourt kina Ian Sangalang, Rafi Reavis, Rodney Brondial, Aldrech Ramos at Kyle Pascual. Pero bentahe ng Alaska ang backcourt dahil sa defensive pressures nina Chris Banchero, JVee Casio, Ping Exciminiano at Simon Enciso.
“Tingin ko, tabla lang sa import. Mataas ang average ni Mike Harris, pero tingin ko kaya ni Romeo Travis umiskor kung gugustuhin,” lahad ni Guiao.