Kumpleto na ang Final Four cast, at bukas ay posible pang mag-iba ang scenario ng UAAP Season 82 seniors basketball playoffs.

Kung sa normal na eksena ay natural na ang best-of-three semis match kontra 1st seeded team sa 4th seed, at ang dalawang nasa gitna ay magsasalpukan para sa tsansang makatungtong sa prestihiyosong Finals ng collegiate league.

Ngunit may tsansang gumawa ng kasaysayan ang Ateneo, sa kauna-unahang pagkakataon sa koponan ay mawawalis ang serye at makatungtong sa automatic finals berth.

At ang tanging koponan na lang na sumasandig para ‘di kaagad makasampa ang Ateneo ay ang bagong buhay na rivalry sa Katipunan na University of the Philippines Fighting Maroons.

Sa unang paghaharap ng dalawa ay nakasabay pa ang UP sa first half, ngunit biglang umalagwa sa third quarter tapos itarak ang 15-point lead at dikdikin ang talent-laden team na pinangungunahan nina Ricci Rivero, Bright Akhuetie at Kobe Paras.

Ngunit iba na ang bangis ng UP ngayon, tila nagbagong anyo tapos harapin ang mga agila.

Makalipas tambakan ng Ateneo, nagsimula ng four-game win streak ang bataan ni coach Bo Perasol, dikit pa rin ang mga panalo ngunit matinding test of character ito sa grupo na halos ngayon lang nagsama-sama.

UP na marahil ang may pinakamalaking tsansa na makatagpas sa winning run ng Ateneo, ngunit ‘di lang naman sila ang may kayang makatapat sa Thirdy Ravena-led team.

Kung may dark horse na dapat abangan sa Ateneo, ito ay ang nagbabalik Final Four na UST Growling Tigers.

Kung dati ay nasa dulo ang mga tigre nang mawala ang mga key player tulad nina Kevin Ferrer, Aljon Mariano, Karim Abdul at iba pa, tila ngayon ay nagbalik na ang mga pangil ng España squad.

Kung titingnan ay stacked-team din ang UST, nandiyan ang kanilang kapitan na si CJ Cansino, reliable center Soulemane Chabi Yo, ngunit ang talagang umaakay sa koponan ay ang ‘Ang Probinsyano’ tandem nina Rhenz Abando at Mark Nonoy.

Hindi pa man nagsisimula ang season ay may target na sa likod ang Ateneo, panahon na para malaman kung mapaninindigan nila ito o may isang nag-aabang lang ng tamang panahon para mapabagsak ang mga agila.