Sinungaling si Albayalde – Magalong

Wala na umanong ginawa si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde kundi magsinungaling hinggil sa kanyang naging papel sa diumano’y recycling ng mga nakumpiskang iligal na droga sa nakuha sa raid sa Mexico, Pampanga noong 2013.

Ito ang sinabi ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief at Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa pagdinig ng Senado sa tinatawag na mga ‘ninja cop’.

Ayon kay Magalong, nagsinungaling umano si Albayalde sa kanyang naging papel sa kontrobersyal na drug operation habang ginagawa ang deliberasyon para sa kanyang one-star promotion noong 2016.

“Wala po siyang ibang ginawa doon kundi i-deny lang na mayroon siyang alam tungkol sa nangyari. Puro denial lang talaga lahat,” sabi ni Magalong.

Bukod diyan, sinabi pa ni Magalong na nagsinungaling din umano si Albayalde nang itinanggi niyang hindi tinawagan ni Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA) director general Aaron Aquino, dating Central Luzon police chief, para ihinto ang implementasyon ng dismissal order laban sa 13 pulis.

Sa naturang pagdinig, idinawit din ni retired Police General Rudy Lacadin, noo’y dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) deputy director for operations ng Region III, si Albayalde sa kuwestiyonableng drug raid noong 2013.

Sabi ni Lacadin, tumawag umano sa kanya si Albayalde ang tinanong tungkol sa imbestigasyon laban sa kanyang mga dating tauhan. Sinabi pa ni Albayalde na ‘kaunti’ lang umano ang nakuha niya sa nasabing operasyon.

Agad naman pinabulaanan ni Albayalde ang alegasyon ni Lacadin. Subalit giit ni Magalong, muli na namang nagsinungaling si Albayalde.

“Someone here is lying and I’m pretty sure it’s not General Lacadin, it’s not me, it’s not the other officers but someone else. Siya (Albayalde) po,” sabi ni Magalong sabay turo kay Albayalde. (Dindo Matining)