Sinuyod ng trak: 3 todas, 2 pa sugatan

Kalunos-lunos na kamatayan ang sinapit ng mag-ina at ng isa pang bata nang masagasaan ng isang humaharurot na truck habang nagla­lakad sa gilid ng highway sakop ng Barangay Sulib, sa Pangil, Laguna.

Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang mga biktimang sina Elma Tonel Garcia, 25; anak na si Athena Eljey Tonel Garcia, 5 at Carl Justine Montegrande Macuñal, 7. Sugatan naman ang dalawa pa nilang kasama, kabilang ang ina ni Carl.

Pawang mga residente ng nasabing barangay ang mga biktima at pauwi na sana sa kanilang mga tahanan nang masagasaan sila ng truck na minamaneho ni Mark Saldo Sagorio, 29, ala-1:15 ng madaling-araw habang patungo ito sa direksyon ng Rizal.

Ayon sa driver, nabulaga siya sa mga biktima matapos mag-cut sa unahan ang nag-overtake na isang pang truck. Umiwas umano siya pero hindi napansin ang limang naglalakad.

Madilim umano ang lugar at malabo rin ang kanyang windshield dahil sa nag-uulan-ulan at sira ang kanyang wiper. (Ronilo Dagos/Edwin Balasa)