Dalawang labor attaches sa Saudi Arabia ang sinibak sa puwesto ni Labor Secretary Silvestre Bello III dahil sa kabiguang gampanan ang kanilang tungkulin.
Ang mga ito ay ang, Philippine labor attaché sa Jeddah at Riyadh Labor Attache.
Labis umanong nadismaya ang Department of Labor and Employment (DOLE) secretary sa dalawang kinatawan ng gobyerno ng Pilipinas sa Jeddah at Riyadh dahil hindi nila kayang solusyunan ang kahit napakaliliit na problema sa bansang kanilang hawak.
Pangunahing isyu ay ang kawalang aksyon ng mga ito sa kapakanan ng mga stranded at nawalan ng trabaho na mga overseas Filipino worker (OFW) dahil sa ipinatupad na retrenchment sa mga pinapasukang kumpanya sa Saudi.
Umaabot na pala sa 11,000 ang bilang ng mga OFW ang stranded sa Saudi Arabia na ang pangunahing problema ay ang pagkapaso ng kanilang mga iqama o mga naghihintay ng sahod mula sa kanilang dating employers.
Naku mabuti na lang Sec. Bello at nakita ninyo ang problemang iyan. Napakarami pong ganyang kaso kung saan ay napakaraming mga pabayang labor attaches’ natin at hindi ginagampanan ang kanilang trabaho.
Marami rin sa mga kinatawan ng bansa natin sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang kukuyakuyakoy lang sa kanilang mga opisina at hindi tumutupad sa kanilang tungkulin na asikasuhin ang pangangailangan ng mga kababayan nating kumakayod sa ibang bansa.
Tama naman si Sec. Bello, mga simpleng problema lamang ang karamihan sa problema ng mga kababayan nating OFWs, ang pagkapaso ng kanilang iqama at mahabang panahong paghihintay sa kanilang sahod mula sa pinanggalingang kumpanya na sa tingin ko ay madaling maresolba kung binibigyan lamang ito ng sapat na panahon at atensyon ng ating mga labor attache’ at konsulado pero sa kasamaang-palad ay wala silang panahon sa ganitong mga problema kaya lalong nagiging kaawa-awa ang situwasyon ng mga kababayan nating OFWs.
Alam nating marami pang pabayang mga opisyal ng konsulado natin sa iba’t ibang bahagi ng bansa at ma-evaluate rin sana ni Sec. Bello ang kanilang performance upang masibak na ang mga walang pakinabang at pagpapasarap lamang sa bansa kung saan sila itinalaga ang ginagawa.
Salamat nalang merong kagaya ni Sec Bello..!