Ang tanong: Si Bob Arum ba o si Manny Pacquiao ang may kagustuhang lumaban muli si PacMan?
Kung pakalilimiing mabuti, si Arum ang nagpaputok ng balitang lalaban muli si Pacquiao.
Mula Amerika, sinabi ni Arum, promoter ni Pacquiao, na may laban si PacMan sa Oktubre o Nobyembre. Umano’y inireserba na ni Arum ang Las Vegas para sa laban. Pinatatakam uli tayo?
Lumang tugtugin na iyan.
Kung si Pacquiao ay tsamp sa 8 dibisyon ng magkakaibang timbang, si Arum naman ang kaisa-isang tsamp pagdating sa paghain ng engkwentrong hindi pa kumpletos-rekados.
Pansinin na nang paputukin ni Arum ang balita, walang “kamalay-malay” si Pacquiao.
Natural, nagulat si Pacquiao.
Pero bahagi ng sarsuwela iyan. Siyempre hindi sinabi ni Arum kay Pacquiao ang plano.
Ang sorpresa’y bahagi lagi ng sirkus sa boksing.
Kasunod nito’y nagsabi si Pacquiao nang kahandaan ng pagbabalik sa boksing bagamat retayrd na siya. Muli, bakasyon daw muna siya sa Senado kung kakailanganin.
Mabilis namang sinundan ito ni Arum ng pakikipag-usap niya umano kay Floyd Mayweather Jr. para sa rematch kay Pacquiao.
Sinabi ko na noon na may rebanse kaya’t hindi na ako nagugulat sa balitang balik-boksing si Pacquiao.
Oo nga’t may edad na si Pacquiao, 37, pero may asim pa rin, ’ika nga. Istilo niya’y hindi basta-basta nalalaos. Patok pa rin ito sa takilya.