Kumpiyansa si Kelly Nabong, da­ting naging kakampi sa GlobalPort ni Terrence Romeo, na mas lalong lalakas ang kanilang koponan dahil sa pagdagdag ng three-time scoring champion.

Saad ni Nabong sa artikulo sa Spin.ph, excited na siya sa magiging kampanya ng San Miguel para sa susunod na season, muling tatangkaing madepensahan ang kanilang trono sa All Filipino Conference.

Nakuha ng San Miguel Beermen ang serbisyo ni Romeo kapalit sina Brian Heruela, David Semerad at isang future first-round pick.

Sa huling pagsasama nina Romeo at Nabong, kanilang kinubra ang tanging semis campaign ng GlobalPort noong 2016.

“From his last stint with TNT, he seemed like he grew a lot. But it’s all about adjustments. It’s a new team, a new system, so he has to learn adjustments on who he plays with cause we got superstars here, we got scorers here,” pakli ni Nabong.

Gayunpaman, kahit gaano pa kala­kas ang kanilang koponan sa papel, makakasama sina four-time PBA MVP June Mar Fajardo, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter at Chris Ross, dapat pa rin umanong maging maingat ang koponan at huwag magkumpiyansa para maabot ang asam na tropeo, pahabol ni Nabong. (RP)