Mga laro ngayon (Araneta Coliseum)
4:30 p.m. — GlobalPort vs. NLEX
6:45 p.m. — Ginebra vs. Star
Muli na namang uusok ang Smart Araneta Coliseum mamayang gabi sa latest edition ng Manila Clasico sa pagitan ng magkaribal na Ginebra at Star.
Bago ang giyera ng dalawa ay papagitna muna sa pampalabok na sultada ang GlobalPort at NLEX.
Humaharurot sa kasalukuyan ang Road Warriors (6-2) nakatanaw na sa isang puwesto sa susunod na yugto ng PBA Governors Cup.
Galing naman sa 110-112 panalo ang Batang Pier kontra TNT nitong Biyernes lang sa Ynares Center sa Antipolo para iangat ang karta sa 3-3.
Kasalo ng Ginebra ang Meralco sa tuktok sa parehong 5-1, humihinga sa kanilang batok ang Star sa 4-1.
May dagdag na armas na si coach Chito Victolero sa Hotshots kay defense specialist Marc Pingris na limang buwang natengga dahil sa injury.
Bukod sa depensa ni Pingris, gagamit ng bilis ang Star para panapal sa pagkadehado sa taas. Aangkla ang speed nila kina reinforcement Malcolm Hill at locals Paul Lee at Allein Maliksi.
Medyo lamang sa size ang Gin Kings dahil kina 7-footer Greg Slaughter at 6-foot-9 Japeth Aguilar, idagdag pa si import Justin Brownlee.
Mahaba-haba na rin ang karibalan ng Star at Gins, inaabangan na ang bawat pagtatagpo nila.
Kahit sa Ginebra, ramdam ang intensidad ng larong haharapin.
“There’s always a buzz in the air at practice when we’re preparing for the Manila Clasico.
It’s an exciting time,” lahad ni coach Tim Cone ng Ginebra.
Minarkahan na rin ni Cone ang X’s at O’s kung saan magkakatalo ang magkaribal.
“Both teams are on equal footing and playing good basketball. It will be a classic battle of our size versus their quickness,” giit ni Cone. “The winner will be in good shape for the race to the top four.”