Kinapos ang huling hirit ng Pilipinas kay Kathryn Magno, hindi naisalba ng skater ang Philippine delegation na ­masadlak sa worst finish sa Southeast Asian Games sa nakalipas na 18 years.

Sinelyuhan ni Magno ang kampanya­ ng bansa sa fourth-place finish sa women’s 100-meter speed skating event kahapon sa Empire City Ice Arena sa ­Kuala Lumpur, Malaysia.

Laglag sa podium ang 23-anyos na tubong San Jose, California nang hindi sumapat ang tiyempo niyang 1 minute, 51.89 seconds. Hindi siya nakapag-qualify sa women’s 500-meter race noong Martes.

Sa kabuuan, nagkasya lang ang Filipino winter sports campaigners sa 1 gold, 1 silver at 1 bronze. Nagde-­debut lang sa SEAG ang events nila.

Pinakamakinang sa contingent ang men’s ice hockey nang walisin ang apat na laro sa torneo para sikwatin ang gold.

Naka-silver si Sochi Winter Games Olympian Michael Martinez sa men’s individual figure skating, bronze si Alyson Kirstie Perticheto sa distaff side.

Ang 24-gold medal finish sa Malaysia ang pinakamasagwang kampanya sa SEAG ng Pilipinas sapul nang maka-20 lang sa Brunei noong 1999. Pero 233 gold medals lang ang taya sa Brunei, 404 sa Kuala Lumpur.