Tiniyak ng San Miguel Corporation (SMC) na kanilang matatapos sakto sa deadline nito ang Skyway Stage 3 project sa kabila ng pagkakasunog ng ginagawang bahagi nito sa Pandacan, Maynila nitong Sabado.
Ayon sa SMC Infrastructure, agad nilang pasisimulan ang pagpapatayo uli sa nasunog na bahagi ng Skyway 3 para matapos ito sa takdang panahon.
Nabatid na nagpadala kaagad ng technical team ang SMC Infrastructure sa nasabing lugar matapos ideklarang kontrolado na ng mga bumbero ang sunog.
Base sa inisyal na pagtataya, nasa 300 metro ng Skyway 3 project ang naapektuhan ng sunog pero hindi pa matiyak ang pinsalang dulot nito sa construction project.
Siniguro pa ng SMC Infrastructure na patuloy nilang mino-monitor ang sitwasyon at nakahanda rin silang magbigay ng tulong sa sinomang naapektuhan ng insidente.
Nagpahayag rin ng kahandaan ang kompanya para makipagtulungan sa mga awtoridad na nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa insidente ng sunog.
Pinapurihan din ng kompanya ang mga bumbero ng Bureau of Fire Protection (BFP), gayundin ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na maagap na rumesponde sa sunog na dineklarang kontrolado na bandang ala-1:30 nang hapon.
Nagsimula ang sunog sa isang pagawaan ng plastic at nadamay ang ginagawa pang bahagi ng Skyway 3 project sa naturang lugar. Wala namang iniulat na nasugatan o nasawi sa insidente.
Samantala, nag-tweet naman kahapon si dating Senador JV Ejercito hinggil sa insidente kung saan ay kinumpara nito ang pagguho ng bahagi ng Skyway 3 project sa nangyari sa twin tower ng World Trade Center na gumuho dahil naluto ng apoy ang mga bakal.