Slaughter out sa individual awards

Greg Slaughter

Ang plake na nagsasabing si Greg Slaughter ay Best Player of the Conference ng PBA Governors Cup ay hindi tiket para maging kandidato siya sa iba pang individual awards pagkatapos ng season.

Ayon sa mga PBA officials na nanana­ngan sa isang rule, hindi sapat ang dami ng inilaro ng Ginebra center para maging kandidato sa iba pang awards tulad ng season MVP at Mythical Team selection.

“Hindi siya nag-qualify because he failed to play at least 70 percent ng playing schedule this season,” sabi ni PBA External Affairs and Communications head Willie Marcial, na sinang-ayunan ni Deputy Commissioner Rickie Santos.

“Kahit na naging BPC winner siya, dapat na-meet iyung required number of games,” wika ni Santos.

Nabangko si Slaughter ng halos isang taon dahil sa knee injury at nakabalik lang sa Governors Cup at natulungan ang Ginebra na makapasok sa rematch sa finals kontra Meralco.

Dahil sa magandang laro, naboto si Slaughter bilang BPC, tinalo si Chris Newsome ng Meralco.

Si Philippine Cup BPC June Mar Fajardo at Jayson Castro ng TNT ang 1-2 sa statistics pero nawala sa konsiderasyon matapos hindi makarating sa finals ang kanilang teams.

Sa pagka-disqualify kay Slaughter, natira sina Fajardo at SMB teammate Chris Ross, Commissioner’s Cup BPC, bilang pangunahing contenders para sa season MVP at Mythical Team.