Julius M. Segovia
Ibang klase ang following ng online gamer na si Bianca Yao o mas kilala ng kanyang fans sa tawag na ‘Biancake’. Ang kanyang FB fan page followers, umaabot lang naman ng more than 1.6M and still counting.
Sorna (short for sorry na), hindi ko inakalang sikat pala si Bianca noong naging estudyante ko siya sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila may dalawang taon na ang nakalipas. Pansinin ng mga tao sa school si Bianca dahil bukod sa maputi, e magandang dalaga rin. Pero hindi mo siya kakikitaan ng kaartehan sa sarili.
Muli ko siyang nakakuwentuhan nang mag-guest siya sa ‘Tandem nina Julius at Cecille’ nitong Sabado. Ang nakatutuwa, hindi siya nagdalawang-isip na pumayag sa imbitasyon ko. Ang reply niya sa chat ko, “Sige sir, basta ikaw nanginginig pa.”
Humble si Bianca. Hindi pumapasok sa isip niyang sikat siya. Nakaka-proud lang na hindi siya nagbabago.
Maikuwento ko lang, 2 years ago nagpa-project ako sa batch nila ng video resume. Nasita ko pa si Bianca noon dahil ang ginamit niyang email, sliceofbiancake@gmail.com. E siyempre pag nag-apply ka sa mga company, dapat formal ang email address. Better kung pangalan mo ang gagamitin mo. Dahil wala akong idea na gamer pala siya, tanong ko, “Nagtitinda ka ba ng pastries o tinapay? Bakit ganyan ang email?” Polite naman akong sinagot ni Bianca, “Yan po ang pangalan ko sir.” Di na siya nag-explain pa.
Fast forward to 2020, sikat na sikat na si Bianca sa gaming industry. Katunayan – kamakailan lang, binigyan siya ng stars ng pambansang bae na si Alden Richards habang nanunuod ng live streaming niya. As per Bianca, pera ang katumbas ng stars. Nang tanungin ko siya tungkol dito, kitang namula ang rosas nang mga pisngi ni Bianca.
Pero paglilinaw niya, wala raw namamagitan sa kanila ni Alden. Hindi rin daw niya alam kung ano ang ibig sabihin ng ‘move’ na iyon ng pambansang bae. Kinilig naman ang viewers ng Tandem nang mapag-usapan ang tungkol sa kanilang dalawa na tinawag pa nilang ‘AlCake’.
Aminado si Bianca, malaki ang naitulong ng gaming sa personal life niya, maging sa kanyang family. Sabi niya, higit sa tatlong beses na silang nakakakain ngayon. Bukod pa riyan, nabibili na raw niya ang mga bagay na gusto niya.
Pero nagpaalala siya sa mga batang gustong pasukin ang mundo ng gaming. Dapat magaling daw kayo sa time management. Gaya niya, talagang binalanse niya noon ang pag-aaral at online gaming. Mahirap pero kinaya niya.
Sa mga magulang naman, pinayuhan niya na laging i-monitor ang mga bata dahil hindi talaga maiiwasan ang trash-talkan o ‘yung foul language sa mga naglalaro ng online gaming. Mas mabuti raw na nadidisplina pa rin ang mga bata kaugnay nito.
Sa totoo lang, ang motivation niya lang daw kaya niya pinasok ang mundo ng online gaming – para matalo ang kanyang Kuya. Hindi niya inakalang magiging professional career na pala niya ito.
Ang sa akin lang, kung may gusto kayong abutin sa buhay – try and try. Huwag susuko. Basta matuto lang na i-balanse ang mga bagay-bagay para mabigyang prayoridad ang ninanais ng isip at puso.