Sangkaterbang mga guwardiya na ang nakakalat sa loob at labas ng isang sangay ng SM Hypermart sa Valenzuela City ngunit wala pa rin silang nagawa matapos pasukin at pagnakawan ng Termite Gang kamakalawa ng umaga.
Bandang alas-otso ng umaga nang madiskubre na lamang ng 39-anyos na si Belinda Paleja, assistant manager ng Globe Telecom, na pinasok ng magnanakaw ang kanilang opisina na nasa ikalawang palapag ng SM Hypermart na matatagpuan sa MacArthur Highway, Brgy. Karuhatan ng nasabing lungsod.
Napansin na lang umano niya na may malaking butas sa kisame ng kanilang opisina at nang mag-usisa ay doon nadiskubre na ninakaw ang laptop na gamit nila na nagkakahalaga ng P40,000.
Ipinagbigay-alam ang insidente sa himpilan ng pulisya at base sa pag-iimbestiga nina SPO1 Ronald Tayag at PO3 Laude Pillejera, sa kisame dumaan ang mga kawatan na pinaniniwalaang hindi lalagpas sa tatlong katao.
Nagtataka rin umano ang mga pulis dahil mayroon namang mga guwardiya sa araw at gabi sa SM Hypermart at mahigpit din ang ipinatutupad na seguridad sa nasabing establisimiyento.
Bukod sa Termite Gang ay sinisiyasat din ng pulisya kung nagkaroon ng inside job sa nasabing insidente.
“Tinitingnan din natin ang anggulong inside job para ma-establish natin kung sino ang magnanakaw,” pahayag ni SPO1 Tayag.
Nakipag-ugnayan na rin ang mga pulis sa administrator ng establisimiyento upang makita kung nakunan sa kanilang closed-circuit television (CCTV) ang pagnanakaw.
Binansagang Termite Gang ang grupo ng mga magnanakaw dahil sa kanilang kakayahan na pasukin ang target pagnakawan kahit na gaano pa ito kahirap gawin.
May ilang insidente na rin na kanilang napapasok ang mga bahay-sanglaan o bangko sa pamamagitan ng paggapang sa mga manhole na konektado sa kanilang pagnanakawang lugar.