SMB bigo sa third place sa ‘Terrific 12’

Dalawang kabit na talo tinapos ng kampanya ng San Miguel Beermen sa East Asia League Terrific 12 matapos yumuko sa battle for third place nitong Linggo ng gabi sa Tap Seac Multisport Pavilion sa Macau.

Bigo ang comeback ng SMB, pinadapa ng Zhejiang Guangsha Lions, 91-89, para sa fourth place finish sa kanilang unang salang sa Asian tournament.

Sa dulo ay sinubukang kunin ng San Miguel ang panalo matapos lusawin ang walong puntos na kalamangan ng Guangsha, ngunit hindi pumasok ang pampanalo sanang tres ni SMB import Dezmine Wells.

Nanguna para sa Beermen si Wells, 33 points ang binuga habang may 15 naman ang lead guard na si Alex Cabagnot.

Nanguna naman ang local player para sa Lions na si Jinqui Hu, nag-ambag ng 31 points at anim na rebounds, habang ang kanilang import na si Jalen Reynolds ay kumamada ng 22 points at 15 rebounds.

“We were heartbroken last night but managed to turn things around today,” ayon kay Yujia Wu ng Lions, na nabigo sa semifinals kontra Seoul SK Knights, 77-76.

Naglaro ang SMB menos ang kanilang Fil-German forward na si Christian Standhardinger. (Ray Mark Patriarca)