SMB papa-swab test

Mahigit dalawang buwan na mula nang huminto ang mundo, damay ang sports dahil sa home quarantine para makaiwas ang mga tao sa coronavirus disease o Covid-19.

Kabilang sa mga apektado global outbreak ang mga liga kahit saan, tulad ng Philippine Basketball Association (PBA).

Matapos maisagawa ang 44th season awarding at 45th year opening ceremony ng unang Asia’y play-for-pay hoops noong Marso 8, hindi na ito nasundan pati ang first game ng five-time defending champion San Miguel Beer at Magnolia Pambansang Manok.

Sa ngayon, kanya-kanyang ensayo at ehersisyo muna ang mga manlalaro ng 12 koponan sa liga habang pinaplantsa pa ng PBA ang protocols at guidelines para sa posibleng pagbabalik ng mga laro sa lalong medaling panahon.

Kasama rin rito ang pagsasagawa ng COVID-19 tests sa mga kawani ng PBA sa San Miguel Corporation (SMC) complex sa Ortigas, Mandaluyong.

Ngayong araw naman ang San Miguel Beer team ang sasailalim sa swab testing sa St. Lukes Medical Center sa Ortigas, Pasig.

Sa mga larawang ipinoste na ilang Beermen, ito anila ang unang muling pagkakasama-sama ng buong team tapos magsuspinde ng games ang liga noong Marso 11. (Sarah Jireh Asido)