Gumugol na ang San Miguel Corporation (SMC) ng P5.6 bilyon para sa CSR at inisyatibong pangkalikasan upang makatulong na solusyunan ang maraming suliranin ng bansa.
“We are gradually reworking our CSR strategy in ways that transcend the traditional thinking on corporate giving, expanding the reach of our programs and engaging our employees and other stakeholders so that more people can have a vessel to make a difference and participate in causes that are close to our hearts,” wika ni Ferdinand Constantino, chairman ng San Miguel Foundation.
Sa pamamagitan ng San Miguel Foundation, nagbigay ang SMC ng P332 milyon para mabigyan ng kabuhayan ang 160 pamilya ng mga sundalo at pulis na nasawi sa bakbakan sa Marawi. Ang naturang programa ay nagbibigay ng P2 milyon na business startup package para matustusan ang pangangailan ng mga pamilya.
Para sa mga kalamidad at rehabilitasyon ng mga apektadong lugar, gumugol ang SMC ng P1.3 bilyon habang ang mga housing program ay umaabot na sa P1.1 bilyon hanggang sa kasalukuyan.
Ang iba pang programa ng San Miguel Foundation ay pagbibigay ng mga scholarship, pagpapagamot sa mga tao na nasa tinatawag na ‘conflict areas’ sa pamamagitan ng pagtatayo ng ospital at donasyon ng medical equipment.
Upang matulungan ang pamahalaan laban sa smuggling at pagpapanatili ng peace and order sa mga komunidad ay nag-donate ang foundation ng Rapiscan mobile X-ray na nagkakahalaga ng P126 milyon sa Bureau of Customs at 50 motorsiklong BMW sa Philippine National Police.
Ang mga programa ng SMC ay sumasang-ayon sa Sustainable Development Goals ng United Nations. Kabilang dito ang proyektong ‘Water For All’ na sa pagtatapos ng 2018 ay nakapagtipid na ang kompanya ng 7.7 bilyong litro ng tubig. Ito ay kabawasan ng 23 porsiyento, lampas sa 20 porsiyento na target sa taong 2020.
Itinigil na rin ng kompanya ang paggawa ng de-boteng tubig upang mabawasan ang tinatawag na environmental impact. Gagamitin na lang ang Purewater filtration technology para mabigyan ng tubig ang mga komunidad na apektado ng pagbaha tuwing may kalamidad.