SMC nag-donate ng pagkain

Patuloy ang San Miguel Corporation (SMC) sa paghahatid ng mga donasyong pagkain para sa mga local government unit (LGU) sa Metro Manila bilang suporta sa mga pamayanan at mga frontliner sa gitna ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Sa unang araw pa lamang ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine ay kumilos na agad ang SMC para matulungan ang pamahalaan. “Today, we started delivering on our commitment to extend help to our local government units, as we collectively fight the spread of the virus.

We will continue to do is in the next coming days,” pahayag ni SMC president at chief operating officer Ramon S. Ang.

Ayon kay Ang, sinimulan sa lungsod ng Maynila ang paghahatid ng mga pagkain at isusunod na rin ang iba pang siyudad kabilang dito ang Las Piñas, Malabon, Pateros, Mandaluyong, Navotas, Marikina, Parañaque, Makati, Pasay, Muntinlupa, Pasig, Quezon City, San Juan, Taguig, at Valenzuela. Kabilang sa mga donasyong pagkain ay iba’t ibang SMC food product tulad ng de-lata, biskwit, tinapay, gatas, kape, at tubig.

Bukod sa mga LGU, sinabi ni Ang na maghahatid din ang SMC ng mga pagkain sa ilang ospital kabilang dito ang Philippine General Hospital, Medical City, Quirino Memorial Medical Center, Philippine Children’s Medical Center, Las Piñas General Hospital, at sa Jose Reyes Memorial Medical Center.

Sinabi pa ni Ang na magbibigay din sila ng 13,000 unit ng Protect Plus Gold powdered disinfectant na magagamit na panlinis at sanitizer ng mga ospital, gobyerno at iba pang publikong pasilidad.