SMC naglagay ng tindahan sa 2 Petron gas station

Binuksan ng San Miguel Corp. ang dalawang Petron gasoline station sa Metro Manila para makapagtinda ang mga magsasaka ng kanilang mga ani direcho sa mga tao.

Ayon sa SMC, dalawang tindahan ng mga ani ng magsasaka ay matatagpuan sa Petron Katipunan na malapit sa La Vista sa Quezon City at ang Petron Zabarte station sa Caloocan. Ang Department of Agriculture ang nagpapalakad ng mga ito sa ilalim ng programang `Kadiwa ng Ani at Kita.’

“During this time of crisis, our farmers, livestock raisers, fishermen, and everyone in the agricultural sector, are also unsung heroes. We depend on them for our food supply,” sabi ni SMC president Ramon S. Ang.

“Bukod pa sa pagiging unsung heroes, malaki ang dagok sa kanila ng krisis ngayon dahil hirap silang magdala ng kanilang mga ani sa kanilang nakasanayan nang mga merkado dahil sa mga quarantine measures,” sabi pa ni Ang.

Ayon sa SMC, sa paglagay ng mga tindahan na nagbebenta ng ani ng mga magsasaka sa mga istasyon ng Petron, nakatutulong din sila sa mga taong nahihirapang makapamili sa mga palengke dahil limitado ang maari nilang puntahan.

Nauna nang inilunsad ng SMC ang mga refrigerated rolling stores nito na inilagay din sa mga Petron stations kung saan napalapit sa mga tao ang mabibiling manok at mga karne. (Eileen Mencias)