SMC namigay ng P181M pagkain, 100K litrong alcohol

Umabot na sa P181 milyong halaga ang mga pagkaing naipamahagi ng San Miguel Corporation (SMC) sa mga mahihirap na pamilya at mahigit 100,000 litrong rubbing alcohol naman ang naipadala sa mga front liner.

Nagawa ito ng SMC sa loob lamang ng dalawang linggo para maalalaan ang mga pamayanan sa Metro Manila at mga lalawigan sa Luzon na apektado ng enhanced community quarantine.

Kabilang sa mga donasyong pagkain ay iba’t ibang food product ng SMC katulad ng mga de lata, karne, biskwit at tinapay, kape, at tagas kung saan nasa 520,000 pamilya ang nabigyan.

Hindi pa kasama sa mga nasabing donasyon ang 500,000 kilo ng bigas na donasyon din ng SMC para sa mga mahihirap na pamayanan sa Metro Manila.

“In our second week of operations, we are glad to report that we are reaching more areas outside of Metro Manila,” ayon kay SMC president Ramon S. Ang.

Aniya, noong una mga karatig lungsod pa lang ang kanilang narrating subalit dahil sa koordinasyon at partnership sa mga ahensya ng gobyerno, mga local government unit, non-profit organization at mga Church-based group ay naabot nila ang marami pang pamilya na talagang kinakailangan ang tulong ngayong panahon,

“Rest assured we will continue this program and we will work towards getting food to even more areas,” sabi ni Ang.

Aniya pa, layon ng kanilang food donation driver na mabibigyan ng sapat na pagkain ang mga mahihirap na pamilyang pinaka-apektado ng enhanced community quarantine.

“Right now, the most important thing is for our people to support and follow the guidelines of the quarantine issued by President Duterte. We all have an important part to play,” sabi pa ni Ang.

Umapela rin ito sa publiko na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan at iwasang lumabas kung hindi naman kinakailangan.

“Our doctors are working hard, our government is also doing what is necessary, and we in the private sector are also ready to support them and lend a hand,” ayon kay Ang.

Bukod sa Metro Manila, ang iba pang lugar na dinalhan ng mga donasyong pagkain ng SMC ay sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Quezon, Lucena, Bicol; Bulacan, Tarlac, Pangasinan, Pampanga, Nueva Ecija, Isabela, Tuguegarao, Quirino, at Zambales.

May mga donasyon din na ipinadaan sa Department of Health at iba pang ahensya ng gobyerno gayundin sa mga non-government organization kagaya ng Philippine Red Cross.