SMC: Pagbaha sa Bulacan huhupa sa ₱1B Tullahan river rehab

Hindi lang makabubuti para sa rehabilitasyon ng Manila Bay ang P1 ­bilyong Tullahan river project ng San Miguel Corporation (SMC) kundi malaki rin ang maitutulong nito upang malunasan ang mga pagbaha sa lalawigan ng Bulacan.

Tinawag na Tullahan-Tinajeros River System dredging project, inilunsad ito kamakailan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at SMC kasama ang mga local executive sa Navotas, Malabon, Valenzuela at Bulacan.
Inilarawan ni SMC president at chief operating officer Ramon S. Ang ang ­Tullahan river bilang agusan ng tubig mula sa mga dam sa Angat at Ipo ­patungo sa Manila Bay.

Subalit dahil sa polusyon na dulot ng naipong mga basura, burak at mga iligal na istraktura ay naging barado at bumabaw ang ilog. Kung kaya’t tuwing may bagyo o malakas ang pag-ulan ay binabaha ang mga mabababang lugar na malapit sa Tullahan river, partikular ang Bulacan.

Ayon kay Ang, kanilang lilinisin at palalawakin ang Tullahan river sa pamamagitan ng pagtanggal sa naipong mga basura dito at saka huhukayin para luma­lim upang maging maayos ang pag-agos ng tubig sa ilog.

Hinimok din ni Ang ang mga opisyal ng lokal na pamahalaang nakasasakop sa Tullahan river na kapag nalinis ang ilog ay siguraduhing mapananatili na ang ­kalinisan nito.