SMC pinabilis COVID mass testing

Nag-donate ang San Miguel Corporation ng limang set ng testing machine at COVID-19 test kit para madagdagan pa ng 11,000 ang kakayanang maproseso ng test ang Department of Health (DOH) sa isang araw.

Ayon sa SMC, dinaan nito ang donasyon sa DOH para mapalakas at mapabilis ang pagsasagawa ng mass testing para sa COVID-19 lalo na’t matatapos na ang lockdown sa Metro Manila sa May 15.

Sabi ng SMC, ang RT-PCR machines at automated extraction system ay makakatulong para umabot sa 20,000 test ang maproproseso sa isang araw.

Mahalagang magsagawa ng mass testing bago tanggalin ang lockdown at muling mapagulong ang ekonomiya at maagapan ang hawahan ng virus.

Dumating ang mga makina noong Lunes. Dalawa ay dadalhin sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM). Bibigyan din ng tig-isa ang San Lazaro Hospital, Vicente Sotto Medical Center sa Cebu at ang Southern Philippines Medical Center sa Davao.

Ang isang set ay may kasamang dalawang RT PCR equipment at isang automated RNA extraction machine.

Sabi ni SMC president Ramon S. Ang, nakikiisa ang kompanya sa hangarin ng pamahalaang maawat ang pagkalat ng virus.

“We are one with the government in wanting to curb the spread of the virus, and with enough capacity to test a greater number of people, we are optimistic we will be able to gradually and safely restart the economy,” sabi ni Ang. “We are committed to getting the economy back and running without risking a second wave of COVID-19 cases,” dagdag pa nito.

Sa kasalukuyan, umabot na sa P1.147 bilyong halaga ng pagkain, ethyl alcohol, gasoline, protective gear, libreng toll sa mga frontliner ang pinagkaloob ng San Miguel Corporation bilang ayuda sa gobyerno kaugnay nang laban sa COVID pandemic. (Eileen Mencias)