Umaabot na sa mahigit P877 milyon ang donasyon ng San Miguel Corp., kasama na ang P100 milyong donasyon ng presidente nitong si Ramon S. Ang, sa paglaban ng bansa sa COVID-19.
Sa isang pahayag, sinabi ni Ang na nag-uulat sila ng development para masiguro ang mga tao na may dumadating at parating na tulong mula sa iba’t ibang mga organisasyon at sa mga tumutulong sa pamahalaan para malampasan ang problemang dala ng COVID-19.
“We are reporting on our progress so that people will be assured that help is on the way, that many organizations are mobilizing and working together to support the government and our fellow Filipinos. Together, we will win this battle,” ayon kay SMC President Ramon S. Ang.
Aniya, sa ikatlong linggo nang ipinatutupad na ‘enhanced community quarantine’ ng gobyerno, ang kumpanya ay patuloy sa kanilang inisyatibo sa pagtulong sa mga medical frontlines, national government, local government units, at iba pang organisasyon.
Inuumpisahan na ng SMC ang pangako nitong P500 milyong donasyon para sa mga personal protective equipment ng mga frontliners at kinakalampag na nito ang mga global suppliers nito para sa raw materials na kailangan sa paggawa ng mga PPEs.
Umaabot na rin sa 518,340 liters ng 70% ethyl alcohol na nagkakahalagang P38.9 milyon ang dinonate nito sa Department of Health, mga ospital, mga local government units, at mga checkpoints na binabantayan ng pulis. Hindi na gumagawa ng gin ang Ginebra San Miguel Inc. dahil binuhos na nito ang kakayanan ng planta sa paggawa ng ethyl alcohol.
Nakapamigay na ang SMC ng P199.4 milyong halaga ng delata, biskwit, tinapay at kape sa mga non-government organizations at charitable institutions at ang iba naman ay dinaan sa mga local government units.
Nag-donate din si Ang at ang kanyang pamilya sa Project Ugnayan, isang malawak na coalition ng mga private companies na tumutulong sa pamahalaan sa paglaban sa COVID-19.
Umaabot na rin sa P1.1 milyon ang nilibre nitong toll fee para sa mga medical practitioners at binigyan din nito ng mga portalet, motorsiko, generator, tower lights, tubig, disinfectant teams at traffic cones at barriers ang mga pulis at sundalong nagbabantay sa mga checkpoint na nasa tollways na pinapatakbo nito.
Libre ding pinagamit ang SMC tollways sa Southern Tagalog Arterial Road (STAR), South Luzon Expressway (SLEX), Skyway, NAIAx, at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX)- para sa mga 2,000 medical doctor at nurse na pinatupad noong nakaraang linggo kung saan umabot sa P1.1M.