Simula na ngayong araw na ito ang pagpapatupad ng “National Smoking Ban” kaya naman binalaan kahapon ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang publiko lalo na ang mga may bisyo sa paninigarilyo na hindi nila sasantuhin ang mga ito.

Ang hakbangin ng Taguig City Government ay para tiyaking “smoke free” ang lungsod.

Ang sinumang mahuhuling violator ay titikitan at magmumulta ng P1,000 sa unang paglabag; P3,000 sa ikalawang paglabag at P5,000 sa ikatlong paglabag.

Magbabayad din ng P5,000 ang mga may-ari ng establisimiyento na lalabag sa ordinansa sa ikatlong pagkakataon at haharapin ang kanselasyon ng kanilang business permits.