Maraming mga chess player o woodpusher, mga opisyal ng sport at apisyonado ang lalong bumilib kay super Grandmaster Wesley So nang mapagharian at maging opisyal na unang kampeon sa mundo sa Fischer Random Chess nitong Nobyembre 2 sa Norway.

Siyempre aaminin ko na kasama ako bilang isang Pinoy.

Nasubaybayan at nakoberan ko sa maraming torneo ang tubong Bacoor City mula pa sa pagkapaslit niya hanggang sa umalis sa pagkanlong ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) at lumipat sa United States Chess Federation nitong 2014.

Isa rin ako sa nalungkot sa ginawa niya.
Sa pagtanong-tanong ko sa ilang personahe ng sport gaya nina NCFP official, coach GM Jayson Gonzales, at 1976 Haifa World Chess Olympiad veteran National Master Cesar Caturla, parehas ang sagot nila.

“Let’s pray and hope for the best,” anila.

Kung hindi lang marahil kasi sa P1 milyong insen­tibo na pinagkait ng dating pamunuan ng Philippine Sports Commission kay So matapos mag-gold medal sa 2013 Kazan Summer Universiade, baka ‘Pinas pa rin ang winawagayway niya sa bawat pinananalunang mga kompetisyon at ‘di ang kay Uncle Sam.

Sabi kahapon ng paboritong janitor na pagod na pagod sa kapapahinga at puyat na puyat sa katutulog, “Boss kung ako si NCFP president-chairman Prospero Pichay Jr. papagawa ako ng mga account sa socmed – FB, Instagram, Twitter at Viber accounts — para hikayating bumalik sa bansa si So, gagawan ko ng paraan na mabigyan siya ng insentibong cash, bahay at lupa at hanapan ko ng ninong na tutustos sa mga lalahukan niyang torneo sa susunod halimbawa na 2-3 taon.”

Pero wala na akong espasyo, he he.