Hindi mabuti sa mata partikular na sa mga bata ang sobrang paggamit ng gadget.
Malaki umano ang tsansa na magkaroon ng myopia ang mga bata kapag hindi napigilan ang sobrang paggamit nila ng gadgets.
Inihalimbawa ang kaso ni Harry, 9-anyos at ngayon ay dumaranas na ng myopia o “nearsightedness”, isang kondisyon na maaring namana pero maari rin nakuha dahil sa sobrang paggamit ng gadgets at computer.
Hindi umano mapigilan ang bata lalo na at kapag tapos na ang klase nito partikular na kapag weekends at nakikita na naglalaro siya ng games sa kanyang cellphone na mas malapit sa kanyang mata.
Pinatingnan umano ang bata sa ophthalmo-logist matapos na magsumbong ang kanyang class adviser na hindi nito natatapos na kopyahin ang aralin na nakasulat sa blackboard.
Sa ginanap na Department of Information and Communications Technology’s National Digital Parenting Conference noong 2018, sinabi ni ophthalmologist Dr. Alexander Gonzales II ng Ospital ng Makati, lumabas sa pag-aaral na 29% batang Filipino ang may myopia habang 5% ng mga batang Amerikano ang may katulad na sakit. Ayon kay Gonzales, 90% ng mga batang malimit na nag-lalaro ng on-line games ay may myopia.
Ang mga may myopia ay nakikita ng maliwanag ang mga bagay kapag malapit at blurred kapag malayo. Sa kabila na sa panahon ng digital age ay nagbibigay ng komportable sa mga tao, nagreresulta naman ito ng ilang problema sa mata. (Juliet de Loza-Cudia)