Pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang desisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) na aprubahan at ideklarang final ang tinatawag na “unbundled rates” ng Manila Electric Company (Meralco) kahit sinaad ang Commission on Audit (COA) na sobra-sobra ang kinukubra nito sa mga konsyumer.

Ang kaso ay dinulog ng National Association of Electricity Consumers for Reforms (Nasecore) Inc. na pumalag sa pagkampi ng Court of Appeals sa mga desisyon ng ERC kaya naghain ito ng petition for review on certiorari sa Korte Suprema.

Ayon sa desisyon na sinulat ni Senior Justice Antonio Carpio, nilabag ng ERC ang mandato nitong tiyaking pinakamababa ang sisingilin sa mga konsyumer nang dinedma nito ang mga disallowance ng COA na nagpamahal sa sinisingil ng Meralco.

Sa pag-aaral ng COA, may excess revenues din o over-recovery ang Meralco at tinutubuan pa nito ang kita na nakukuha sa mga kostumer.

“In partially granting the petition, the SC found that the ERC failed to properly consider COA’s findings as well as to comply with its statutory mandate to approve a rate that provides electricity to consumers ‘in the least cost manner’ as expressly provided in ERC’s charter,” sabi sa desisyon ni Carpio.

Dahil ang Meralco at iba pang mga electricity distribution company ay mga monopoly kung saan hindi makapipili ang mga konsyumer, binabantayan dapat ng pamahalaan ang sinisingil nito.

Ang kaso ay dinesisyunan noong Oktubre 8, 2019 sa en banc session ng Korte Suprema. Inutusan din ng Korte Suprema ang ERC na muling kwentahin ang tama o makatarungang halaga na maaaring singilin sa mga konsyumer. (Eileen Mencias)