Dear Atty. Claire,
Gandang araw po nais ko po sanang idulog sa inyo ang problema namin ng kaibigan ko meron po kaming nautangan na kakilala namin ang tawag ay 5/6 pero ang tubo niya sa P10,000 ay P3,000 sa loob ng dalawang buwan.
Meron din pong extra na tinatawag sa nakuha po namin na P80,000 ay nagbibigay po kami ng tubo na P8,000 kada linggo halos umabot na po sa P90,000 ang naipatubo namin sa kadahilanang hindi na nga po namin makaya ang hulog.
Kami po ay nasira at nakipag-usap sa kanila na magbabayad ngunit sa abot ng kaya naming maihulog sana ngunit pinipilit po kami sa ayon ng kanilang kagustuhan sa pagkakataon na aming napagkasunduan ay may tubo pa rin po ‘yun ng 20%.
Kami po ay may pinirmahan na kasunduan kung kaya po kami ay nakikipag-usap upang maayos at mabayaran sa magandang paraan ngunit kami po ay halos minura na sa mga text nila at kung maaari raw po na ibenta namin `yung kaluluwa namin para makabayad sa kami. Sana ay mabigyan kami ng kaalaman.
Raymond Palma
Dear Raymond,
Nakakalungkot isipin na marami pa ring mga tao na ganyan ang pag-uugali na parang sa pera lamang umiikot ang mundo nila. Ayon sa kuwento mo ay kaya napakalaki ng tubo nila ay dahil sa hindi sila ang tunay na nagpapautang kundi para lamang silang agent na nagpapatong pa ng karagdagang tubo para sa sarili nilang kita o income.
Sinabi mo na may kasunduan kayo pero hindi mo nasabi kung sa kasunduan na iyan ay may nakasulat na interest na dapat mong bayaran dahil masusunod lamang ang pinag-usapang interest kapag ito ay napagkasunduan at nakasulat sa isang dokumeto. Kapag verbal lamang at hindi naisulat sa kasunduan ay walang bisa at epekto ang napag-usapang interest para sa utang.
Sa aking palagay ay sobrang taas ng interest na pinapataw nila sa inyo at hindi na ito makatuwiran at makatao.
Sa mga hindi na mabilang na kaso na dinesisyunan ng Supreme Court ay ibinababa nila ang tubo o interest sa 12% per annum (taon) kapag napatunayan na ang ipinapataw na interest ay hindi na makatuwiran at labag na sa moral.
Sa mga kasong ng Medel v. Court of Appeals, 359 Phil. 820 (1998) at Spouses Solangon v. Salazar, 412 Phil. 816 (2001) ay pinawalang-bisa ng korte ang napagkasunduang interest na 5.5% kada buwan o 66% na interest kada taon dahil sa sorbang taas nito at tunay na hindi na makatuwiran at makatao. Ibinaba ang interest sa 12%.
Makipag-ugnayan sa abogado para makakilos kayo kaagad upang matapos na ninyo ang inyong kinatatakutan.
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.