Social distancing dinedma, 4 sabungero tinimbog

Sa kabila ng pinapairal na community quarantine sa iba’t ibang lugar at pagpapatupad ng social distancing, nagawa pang magtipon-tipon ng ilang kalalakihan para magsagawa ng tupada na nagresulta sa pagkakaaresto sa 4 na katao sa magkahiwalay na lugar sa Cavite.

Kasong paglabag sa PD 1602 ang isinampa laban kina Jose Alvarado Collado, 62-anyos; Donulf Danielle Novejas Adrales, 32, driver; Antonio Jr Hapa Marbella, 50 at Johnny Hepa Mabuti, 57, pawang taga-Cavite.

Bago naaresto ang apat, isang text message ang natanggap ng Dasmariñas City Police Station hinggil sa tupada sa Excess Lot, Mabuhay City Subd., Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City, Cavite dakong alas-4:40 kamakalawa ng hapon na nagresulta sa pagkakaaresto nina Collado at Adrales.

Nagsagawa naman ng operasyon laban sa illegal gambling ang Carmona Municipal Police Station alas-12:30 kamakalawa ng hapon sa Brgy. Milagrosa, Carmona, Cavite at naaktuhan sina Marbella at Mabuti na aktong nagtutupada.

Nakatakas naman ang ilang kasamahan nila nang matunugang may isasagawang operasyon kontra illegal gambling.

Nakuha sa mga suspek ang mga sasabunging manok, tari at perang pampusta. (Gene Adsuara)