Social distancing: Mga pasahero limitado, one-seat apart

Hinihikayat ng Department of Transportation (DOTr) na ipatutupad nila ang paglimita sa mga pasa­hero at paiiralin ang one-seat-apart policy sa lahat ng mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila.

Ito ay bilang bahagi ng social distancing para sa pinaiiral na community quarantine kontra sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa naganap na press conference ng DOTr, magsisimula ang kanilang mga kautusan sa araw ng Linggo, Marso 15 bilang bahagi ng Metro Manila-wide community quarantine na kung saan apektado ang lahat.

Inaatasan din na wala nang makikitang mga public utility jeepney na punuan, may nakasabit habang ang mga public utility bus ay obligadong may 25 na pasahero lamang, kabilang na ang tsuper at konduktor nito.

Para sa mga taxi, transportation network vehicle services (TNVS), hindi nila pahihintulutan na magkaroon ng higit pa sa apat na pasahero, kabilang ang driver habang sa mga pumapasadang UV Express, anim na pasahero lamang ang kailangang laman ng mga ito kundi ay huhulihin at sisitahin ang mga pasaway na tsuper na hindi marunong sumunod sa ipinatutupad na panuntunan.

Layunin ng DOTr na pairalin ang one seat apart policy sa lahat ng mga sasakyan upang makaiwas at mapuksa ang virus sa pamamagitan ng pagtutulungan at pakikiisa. (Vick Aquino)