Social distancing sa eroplano 2 upuan ang pagitan

Mahigpit na ipatutupad ang social distancing sa mga eroplano sa sandaling magbalik ang operasyon ng mga ito sa pamamagitan ng dalawang upuan na pagitan sa bawat pasahero.

Ito ang nilalaman ng bagong guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng mga lugar na sakop ng general community quarantine (GCQ).

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang two-seat apart sa mga eroplano ay bahagi ng social distancing na dapat i-obserba para makaiwas sa panganib ng coronavirus disease 2019.

“Ang guidelines po, dapat may social distancing ng isang metro. So sa eroplano, every other seat dahil ang isang metro will clearly be every two seat,” ani Roque.

Inihahanda na aniya ng Department of Transportation (DOTr) ang guidelines para sa inaasahang pagbabalik operasyon ng mga airline company.

Nananatiling kanselado ang operasyon ng ilang airline company gaya ng Philippine Airlines at Cebu Pacific hanggang Mayo 15. Magsisimula ng kanilang gradual operation sa Mayo 16 sa sandaling alisin ang ECQ sa National Capital Region. (Aileen Taliping)