Mayroong dapat matutunan ang mga government officials kay Sen. Vicente ‘Tito’ Sotto III na huwag maging taklesa sa kanilang mga binibitawang salita dahil aktibong-aktibo ang netizen sa social media.

Makabago na ang panahong ito at halos lahat ay may hawak na smartphone at konektado sa internet kahit mabagal, ay nagsasabi at nagbibigay ng kanilang opinyon at napakadali sa kanila ang magsabi ng negatibong opinyon.

Ang malas lang ni Sen. Sotto, artista na siya, pulitiko pa kaya pati showbiz ay sumawsaw sa kanyang “na-ano lang” na pahayag sa mga single moms nang humarap sa kanila sa Commission on Appointment (CA) si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Judy Taguiwalo na isang single mom.

Sa totoo lang naman, mas malala ang mga binitawang salita ng mga kongresista noong panahong nag-iimbestiga ang Kongreso sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP) pero dahil hindi naman artista ang mga congressmen na nakapagbitiw ng double meaning na salita hinggil sa pakikipagrelasyon daw ni Sen. Leila de Lima sa kanyang driver bodyguard na si Ronnie Dayan, eh agad nakalimutan ang mga pangalan ng mga mambabatas.

Mas sikat dahil artista si Tito Sen kung tatawagin ng kanyang mga kaibigan kaya hindi naiwasang ma­ging hot topic din ito sa mundo ng showbusiness kaya lalong lumaki ang isyu.

Kahit nag-sorry at sinabing biro lang ang “na-ano” lang ni Sotto, ayaw siyang patawarin dahil napakara­ming single mom na nasaktan kasama ang kanilang mga anak na itinaguyod mag-isa sa kanilang mahal na Ina.

Kaya ang moral lesson dito sa mga high officials eh, huwag magbiro na ilan lang ang nakakasakay sa biro dahil ika nga nila, hindi lahat ng tao ay matatawa sa biro mo isipin niyo na lahat ng mga tao ngayon ay puwede nang magsalita at magbigay ng kanilang opinyon dahil sa social media.

***

Sana lang eh matuloy at maging batas ang 14 panukalang batas na nasa listahan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso at napagkasunduang ipasa bago matapos ang buwang ito para sa Hunyo 2017 ay mapirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa totoo lang kasi naman, wala pang nagagawang batas ang Kongreso simula noong Hulyo 2016 mali­ban sa pagpapaliban sa halalan sa barangay at Sangguniang Kabataang eleksyon na dapat noong Oktubre 2016 at ang national budget.

Pero sa 14 panukala na napagkasunduan ng dalawang Kapulungan na ipapasa, ang national land use act ang isa sa mga gusto kong maging batas.

Sabi ng mga matatanda, dati-rati, ang kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX) ay luntian at makaginto ang kulay dahil sa mga tanim na palay pero ngayon ay napalitan na ng mga istraktura ng mga negosyante.

Mapipigil na rin ang mga taong nagpapatayo ng kanilang bahay sa dating taniman ng palay.

Naku ang dami niyan sa mga probinsya dahil marami sa pagdami ng mga tao at gusto sa tabi ng highway ang kanilang bahay at negosyo kaya isinakrispisyo ang mga pala­yan na ginastusan ng gobyerno para magkaroon ng irrigation. (dpa_btaguinod@yahoo.com)