PUTOK na putok ang pinagpiyestahan sa ­social media na hearing sa Commission on Appointments kung saan may biro si Sen. Tito Sotto kay Sec. Judy Taguiwalo tungkol sa pagiging solo parent o single mother.

Ang daming nag-post na mga taga-showbiz na nagbigay ng kanilang pananaw sa birong iyun at lahat ay patama at pam­babatikos kay Tito Sen.

Bago kami ­sumalang kahapon sa aming ­radio program na Showbiz Talk Ganern sa DZRH, tinext namin si Tito Sen kung puwede naming hingan ng pahayag ­kaugnay sa mainit na isyung ito.

Kaagad siyang sumagot na nasa meeting lang siya kaya hindi niya ka­yang magpa-phone patch interview.

Bahagi ng text nito sa amin, “Hindi ko na pinapatulan mga comments, kasi hindi naman nila napanood ang totoo.

“My comment was a comic description in street language and not intended for the nominee.”

Hiningan pa rin namin siya ng statement kaugnay sa mga sinasabi ng karamihan, at kaagad siyang nag-text ng statement na pinayagan ka­ming ilabas ito.

Ani Tito Sen, “They should check the journal of what went on before dipping into the issue. In the CA, we test honesty and credibility in some of our questions.

“All questions are fair in the hearings. And it also validates our own CA reports.

“Ako pa eh sa ­mundo ng showbiz ay mas maraming sinasaluduhan akong single mothers.

“In fact, two of my daughters are single moms. Relax lang. No offense meant.”

May ilan ding malapit kay Tito Sen na naka-text namin at tumanggi na lang silang magbigay ng opinyon dahil ayaw na nilang makisawsaw pa.

Pero sa kabila ng gulong ito, kaya nilang patunayang mabuting tao si Tito Sen.

Kung saliwa man ang birong iyun, hindi ibig sabihin masama siyang tao.

***

Tuwang-tuwa si Mother Lily na tsinika sa aming tuwang-tuwa raw ang mga taga-MTRCB sa pelikulang Our Mighty Yaya.

Ai Ai Delas Alas
Ai Ai Delas Alas

Sinabi raw ni Tita Gloria Sevilla sa kanya na tawa ito nang tawa sa pelikula pero ang ending, naiyak siya.

“Ang ganda ng ­movie natin eh. Ang galing ni Ai Ai.

“Comedy siya, pero maiiyak ka rin,” paha­yag ni Mother na excited sa Our Mighty Yaya na Rated G ang ibinigay ng MTRCB.

Mapapanood ito ng lahat lalo na ang mga kabataan.

Sa Mayo 10 na ang showing nito, bilang pagdiriwang sa ­Mother’s Day.

***

Hindi gaanong matao ang ilang malls na naikot namin kamakalawa nang gabi.

Maganda ang mga pelikulang nagbukas kahit may kalakasan pa rin ang Fast and Furious 8 at ang Guardians of the Galaxy Vol. 2.

Sinilip namin ang ilang sinehan ng Luck at First Sight nina ­Jericho Rosales at Bela ­Padilla, at hindi ito gaanong matao.

Ayon sa aming reliable source, hindi pa gaanong ganun kaokay ang kinita nito sa first day.

Pero maganda ang feedback ng pelikula, kaya inaasahang babawi ito sa weekend.

Sinilip din namin ang ilang pelikulang nagbukas kagaya ng The ­Circles ni Tom Hanks, at Gifted ni Chris Evans, hindi rin gaanong kala­kasan.