Soguilon nagtampisaw sa Milo Olympics

Swimming sensation Kyla Soguilon

Ginawang sariling palaruan ni Kyla Soguilon ang Cebu City Aquatics Center pool at muli ay kinampay ang pangalawa niyang sunod na Most Outstanding Swimmer award – sa secondary level naman – sa 22nd MILO Little Olympics-Visayas Regional Finals nitong weekend.

Sa edad 12 at sa unang sabak sa high school division, pitong gold medals agad ang sinisid ni Sogui­lon – dalawa rito ay sa record-breaking swim.

Meet records ang gold ni Soguilon sa 100-meter at 200m backstroke, dagdag ang 100 at 200 butterfly, 100 at 200 free, at 200 individual medley.

“I was nervous because I faced opponents who are more experienced,” pag-amin ni Soguilon, pambato ng Region IV mula Regional Science High School sa Kalibo, Aklan.

Sa Day 1 lang ay apat na gold agad ang sinisid ni Soguilon, three-time PSA Milo Junior Athlete of the Year awardee at two-time Palarong Pambansa Most Outstanding Swimmer, bago nagdagdag ng tatlo pa kinabukasan.

Sa 200 back ay nagsumite siya ng 2:39.60 para burahin ang dating 2:40.00 ni Mary Louise ng Iloilo noong 2016. Pagbalik sa pool, binuno ni Soguilon ang 100 back sa 1:12.42 para sapawan ang 1:12.94 ni Lacson din noong isang taon.

Sa elementary division noong isang taon ay 11 gold ang tinuhog ni Soguilon.