SAN JOSE DE BUENAVISTA, Antique — Habang binabadya ng perennial champion National Capital Region ang muli na namang dominasyon sa overall championship, kalakip ang sa secondary at elementary titles, may mangilan-ngilan pa ring mga nag-iingay na individual athletes sa iba’t ibang sports tungo sa huling tatlong araw ngayon ng Department of Education 60th Palarong Pambansa rito at sa iba’t iba pang venues.

Naging pangalawang quintuple gold medalist ng seven-day-old, 18-and-under student-athlete sportsfest ng 18 rehiyon ng bansa kahapon si Kyla Soguilon sa Binirayan Swimming Pool nang mangibabaw sa elem. girls 50-meter backstroke sa clocking na 33.34 seconds.

Unang mga nadomina ng 12-year-old veteran internationalist at Kalibo, Aklan native ang 200 individual medley, 100m back, 50 butterfly at 4×100 medley relay patungo sa huling araw ng languyan na dinudumog sa kabila nang maalinsanga’t mainit na klima.

Binabalangkas ang paligsahan ng DepEd sa liderato ni Secretary Leonor Magtolis Briones, suportado ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni Chairman William Ramirez at pinagkakaabalahan ng Antique sa pangunguna ni Gov. Rhodora Cadiao.

Sa Binirayan track oval, naging triple gold winner sa athletics ng secondary boys si Veruel Verdadero ng Southern Tagalog CALABARZON nang masukol din ang 400-meter dash.

Ilang minuto lang, inangklahan niya ang kanyang team sa 4×100 sa new meet record 42.89 secs. bago dumilim tapos ng century win (10.96s) noong Miyerkules.

Kasama niya sa relay victory sina Karl Arvyn Aquino, Ryan Joseph Flores at Jovane Calixto na tumakip sa 43.09 ng West Visayas quartet noong isang taon sa Albay PP.

Dumalawang panalo naman si Germar Marcelo ng Davao Region na prumimera sa HS 5,000m run (16:00.73) tapos makauna sa 3,000m steeplechase (9:45.98s) at sa secondary girls si Kasandra Alcantara ng NCR na bida sa discus throw (34.69m) at shot put (11.16m).