SOKOR isinunod ng PHL-Mighty

Nagkamada si Al Thornton ng 24 points para buhatin ang Philippines-Mighty Sports sa panalo kontra South Korea, 86-65, kahapon sa 2016 William Jones Cup sa Taiwan.

May sahog pang pitong rebounds at kumana ng mga krusyal baskets si former PBA import Thornton para ilista ng PHL-Mighty Sports ang 2-0 record sa nasabing torneo.

Umarangkada agad sa first quarter ang PHL-Mighty Sports, 12-5, pero naitabla pa ito ng Koreans sa 14-all bago inagaw ang bentahe, 17-18.

Sumagot naman agad si Thornton ng five straight points kasama ang buzzer-beating 3 para ibalik sa unahan ang Mighty Sports, 22-18, papasok ng ­second period.

Lumobo sa 14 puntos ang abante ng Philippine team, 45-31, sa halftime.

Nag-ambag sina Zach Graham at Dewarick Spencer ng 13 at 12 markers para sa PHL-Mighty Sports.

Kumikig pa sa fourth period ang Koreans matapos ibaba sa walong puntos ang hinahabol, 57-65, pero hindi pumayag ang Mighty Sports dribblers na tuluyan silang maabutan ng kalaban.

Sinalpak ni Thornton ang isang tres at and-one play para ilayo muli ang iskor, 71-57, at itakas ang panalo.