Solon sa Tourism chief: Kay Duterte ka magsabi!

Hindi umano ang media ang dapat pagsabihan ni Department of Tourism (DOT) Secretary Wanda Teo ukol sa extrajudicial killings kundi ang gobyerno partikular si Pangulong Rodrigo Duterte para itigil na ang mga patayang ito.

Ito ang pahayag ni Akbayan party-list Rep. Tom Villarin matapos sabihan ni Teo ang media na maghinay-hinay sa pagre-report ukol sa EJKs sa Pilipinas upang hindi maapektuhan ang turismo sa bansa.

“DOT Sec. Teo should instead ask for the killings to stop and not to tone down or stopping the report,” ani Villarin.

Sinabi ng mambabatas na inire-report lamang ng media ang mga nangyayari sa lipunan kasama na ang mga walang habas na pagpatay sa mga pinaghihinalaang drug addict at small-time pushers sa bansa.

Trabaho aniya ng media na ipaalam sa mundo ang nangyayari sa lipunan at walang puwedeng pumigil sa mga ito.

“It is well documented and reported by local and international media as well as human rights groups,” ani Villarin kaya kung nais nitong itigil ng media ang pagrereport sa EJKs ay dapat umanong sabihan ni Teo ang mga pulis na itigil ang patayan.