Nanawagan ang isang mambabatas sa Palasyo ng Malacañang na huwag papormahin ang World Bank (WB) sa kanilang binubuong tax reform plan dahil hindi makamahirap ang mga ito.

Ginawa ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang panawagan sa Palasyo ng Malacañang partikular na sa Department of Finance (DOF) matapos makarating sa kaniyang kaalaman na nagboboluntaryong tumulong ang WB para sa pagbuo ng tax reform plan ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Zarate, hindi dapat pumapel ang WB dahil bukod sa direktang pakikialam ito sa internal affairs ng bansa ay tiyak na ang mga oligarch lamang umano ang poproteksyunan ng mga ito habang pipigain naman nang husto ang mga mahihirap at ordinaryong tax payers.

“Along with IBON, we believe that the World Bank’s latest offer to the DOF is part of its long-standing advocacy of taxing the poor while unburdening the country’s wealthiest oligarchs, as well as the large foreign and local firms,” ayon pa kay Zarate.

Lumabas aniya sa pag-aaral ng IBON Foundation na ang WB kasama na ang International Monetary Fund (IMF) ang responsable o nagdisenyo sa mga kasalukuyang sistema ng pagbubuwis sa bansa na pawang pabor sa mga mayayaman lamang.

Halimbawa na aniya ito ang 32% na income tax na binabayaran ng mga karaniwang manggagawa na kapareho sa mga mayayaman kaya lugi aniya dito ang mga ordinaryong mamamayan.

One Response

  1. Kaya aktibo ang Amerika sa pakikialam sa mga bansang tulad natin dahil ayaw nila tayong umangat, mayaman tayo sa natural resources pero dahil sa taxation ng IMF at WB nakokontrol nila ang ekonomiya ng bansa kaya mga Oligarch lamang ang nakikinabang kaya nga di nila hawak ang kasalukuyan administrasyon kaya gumagawa sila ng scenarion tulad ng pag pull out daw ng investor, pagbaba ng dolyar at laging pagpuna sa mga sinasabi ng PDU30.