Mahilig sa publisidad ang isang mambabatas na ito kaya para lumabas ang balita niya sa mga diyaryo o di kaya’y sa radyo, may kakaibang istilo ang lawmaker na ito.

Nakarating sa impormasyon ng Tonite na kinakausap ng mambabatas na ito ang mga kaibigan niyang mga publisher na gamitin ang kanyang media release at kapag hindi lumabas ay muling kinukulit ang mga ito.

Ayaw daw kasing magpadala ng mambabatas na ito sa mga miyembro ng media dahil hindi naman daw nila ginagamit ang kanyang press release. Kung may gumamit man daw, isa o dalawa lamang at hindi pa kilalang media network.

Kapag hindi raw kasi lumalabas ang PR na pinapadala nito sa mga reporter, sinisi nito ang kanyang mga staff dahil baka hindi raw maayos ang pagkakagawa nito.

Kaya para siguradong lalabas, dumidiretso na itong mga kaibigan niyang may-ari mismo ng diyaryo o kaya’y sa mga kaibigan niyang mga bossing ng radyo.

Clue: Ang mambabatas na ito ay taga-Luzon at bagitong miyembro ng Upper House . May letrang O sa kanyang apelyido.