Tiba-tiba ang nag-iisa subalit armado ng baril at balisong na lalaking holdaper na buong tapang na pinasok ang bahay ng isang doktor at natangay ang nasa P10M halaga ng mga alahas at P1M cash money sa Brgy. West Kamias, Quezon City, kamakalawa ng hapon.

Pormal na nagtungo sa Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) sa QCPD Camp Karingal ang tatlo sa mga biktima na nakilalang sina Elena Junio-Ramirez, 58, married, medical doctor; Guillermo Ramirez y Junio, 32, single; at kasambahay na si Danica De Castro y Quinto, 22, pawang nakatira sa K-7 St. ng nabanggit na barangay.

Base sa salaysay ng mga biktima kay PO2 Julius Raz, imbestigador ng CIDU at may hawak ng kaso, armado ng hindi mabatid na kalibre ng baril at balisong ang solong suspek na tinatayang nasa 35-40-anyos, may taas na 5’7”, medium built, nakasuot ng gray na polo shirt, itim na pantalon, itim na rubber shoes, naka-bull cap, nakasuot ng kulay yellow shade sun glasses at naka-black body bag.

Sinabi kay PO2 Raz ng biktimang si Guillermo Ramirez, na ala-1:20 ng hapon kumakain siya ng lunch kasama ang saksing si Renz Ramirez, habang naglilinis naman sa kanilang dirty kitchen ang kasambahay na si De Castro nang lapitan ng suspek ang kasambahay at tutukan ng baril at inutusan na pumasok sa main house.

Pagpasok sa loob ay tinutukan ang tatlo at inutusan na umakyat sa second floor kung saan naroroon ang mga kuwarto kabilang ang master’s bedroom.

Subalit bago pa umano pumasok sa master’s bedroom ay nanlaban ang biktimang si Ramirez subalit nanaig umano ang lakas ng suspek bukod pa sa armado ito.

Habang nasa loob ng master’s bedroom ay lakas loob na winasak ang padlock ng cabinet kung saan nakalagay at nakatago ang mga alahas at cash money na nasa P11M.

Bago tuluyang tumakas ay tinangay din umano ng suspek CCTV recorder na nakatanim sa bahay.

One Response