Solong tagapagmana ng magulang

Dear Atty. Claire,

Mag-isa lamang po akong legitimate na anak ng tatay at nanay ko. Namatay ang tatay ko noong 1990 at ang nanay ko naman ay noong November 2013.

May naiwan po silang isang bahay at lupa at isang sakahan na may sukat na 2 ektarya.`Di ko po alam kung saan ako magsisimula para mailipat ito sa pangalan ko.

Ang sabi ng mga tita ko na kapatid ng nanay ko ay dapat na may hati rin sila dahil kapatid daw nila ang nanay ko. Tama po ba ‘yun?
Gumagalang,

Arman

Dear Arman,

Kung nag-iisa ka lamang na anak ng tatay at nanay mo ay sigurado na ikaw lamang ang tagapagmana nila at walang karapatan ang mga tita mo na humabol sa parte ng nanay mo.

Kahit na kapatid nila ang nanay mo ay hindi sila tagapagmana nito dahil mayroon siyang anak… at ikaw iyon.

Ang gagawin mo lamang ay magpatulong sa abogado na gumawa ng Affidavit of Sole Adjudication. Ito ang dokumento na ginagawa kapag isa lamang ang kinikilalang tagapagmana.

Dahil namatay ang tatay mo noong 1990 ay isasama ang estate o inheritance para sa kanyang 1/2 share base sa taong 1990. At ang taon naman para sa share ng nanay mo ay base naman noong November 2013. Ibigay din sa BIR ang mga original receipts kung may nagastos ka para sa pagpapaospital o pagpapaburol, paglili­bing sa mga magulang mo.

Hanapin din kung nasa records na may pagkakautang ang magulang mo para maibawas sa estate nila. Marami ka pang maaaring maibawas o mai-deduct sa estate ng mga magulang mo upang mabawasan din ang tax. Ngunit dahil hindi kaagad nabayaran ang tax noong namatay ang tatay mo ay tiyak na may penalty na rin na sisingilin sa iyo.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.