Dadayo pa sa iba’t ibang panig ng bansa ang ilang kinatawan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso para pulsuhan ang mga kababayang Pinoy na nagtatrabaho abroad para sa panukalang ‘dissolution of marriage’.

Ang nasabing panukala o ang House Bill 6027 na inakda ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez ay magpapadali sa paghihiwalay ng mag-asawa na hindi na nagkakasundo.

Kahapon ay nasa Hong Kong ang grupo ng mga mambabatas at kumunsulta sa mga overseas Filipino workers (OFWs) para sa nasabing panukala.

Pinangunahan ni Laguna Rep. Sol Aragones, chairperson ng House committee on population and family relation, ang pagkonsulta sa Philippine Consulate Office Central sa Hong Kong.

Kabilang sa mga dumalo sa konsulta sina House deputy speakers Pia Cayetano at Raneo Abu, Isabela Rep. Ma. Lourdes Aggabao, Ifugao Rep. Teddy Brawner Baguilat, Gabriela party-list Rep. Emmi de Jesus at ACT-OFW party-list Rep. Aniceto ‘John’ Bertiz Jr.

Sa Nobyembre ay mu­ling magsasagawa ng konsultasyon ang Kamara sa mga OFWs na nakabase sa Japan at Dubai para malaman kung suportado ng mga ito ang nasabing panukalang batas.

Base sa nasabing panukala, isang simpleng ‘unhappy marriage’ na dahilan ay maaari nang maghain ng dissolution of marriage ang isa sa mga mag-asawa na mayroong problema sa kanilang pagsasama.

Ayon kay Alvarez, maraming Filipino ang hindi makawala kahit gusto nang humiwalay dahil sa higpit ng batas sa annulment kaya nais niyang simplehan ang paghihiwalay ng mga may problemang mag-asawa.