Solons naalarma uli sa hazing

Nalulungkot ang mga mambabatas na wala pa ring naipapasang batas para higpitan ang parusa ng hazing sa harap ng panibagong kaso ng pagkamatay ng 22-anyos na freshman law student na si Horacio Castillo III.

Ayon kina Ako Bicol Reps. Alfredo Garbin at Rodel Batocabe, matagal nang nakabinbin sa Kamara ang kanilang House Bill 3731 na humihiling na magpataw ng parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo sa mga indibidwal na sangkot sa hazing ngunit hindi ito nabibigyang prayoridad.

Sa isinusulong na panukala ay maituturing na aggravating circumstances na kahit hindi miyembro ng fraternity pero naroon sa oras na isinagawa ang hazing na ikinasawi ng biktima ay papatawan din ng mabigat na parusa.

Sinabi naman ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago na dapat nang gumawa ng matinding hakbang ang gobyerno para matigil ang tradisyon ng hazing.

“We must put an end to hazing and seek justice for the ever-growing list of victims. If there is something to be put to death, it is the old rotting tradition of hazing and the culture of impunity. Not the lives of the future of our nation,” pahayag ni Elago.

Umaasa si Elago na ang kaso ni Castillo ay hindi magagaya sa iba pang kaso ng hazing na walang nangyari at naghihintay pa rin ng hustisya ang mga kaanak ng mga nasawi.

Si Castillo ay inabandona sa isang sidewalk. Nagawa pa itong isugod sa Chinese General Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Sa salaysay ng ama ng biktima na si Horacio Tomas Jr., puno ng paso ng sigarilyo at tulo ng kandila ang katawan ng kanyang anak na namaga dahil sa tinamong mga pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.