Kinapitan ng University of Sto. Tomas Tigresses ang magkapatid na EJ at Eya Laure para sakmalin ang 27-25, 25-18, 20-25, 25-18 panalo kontra San Beda College Lady Red Spikers kagabi sa 13th V-League Collegiate Conference sa PhilSports Arena sa Pasig.

Sa ikalawang laro, ­nilapa ng National University Lady Bulldogs ang San Sebastian College Lady Stags, 25-22, 29-27, 25-21.

Bumanat si Jaja Santiago ng 27 points kasama ang 20 spikes para ilista ang 1-0 card ng defending champions Lady Bulldogs.

Natikman ni Grethcel Soltones at ng Lady Stags ang unang talo sa dalawang salang.

Top scorer EJ sa hinambalos na 18 pero mas sumikat ang nakaba­batang kapatid na si Eya matapos ilista ang 17 points mula sa 13 attacks at tigalawang kill/blocks at aces tungo sa 1-0 card ng Tigresses kasalo ang FEU at UP sa unahan ng Group B.

“Bata pa siya pero may ilalabas pa ‘yan,” patungkol ni UST head coach Kungfu Reyes kay guest player Eya.

Unang palo iyon ni 17-year-old at UAAP Season 78 high school MVP Eya sa college team ng UST.

May 29 excellent sets ang isa pang high school guest player na si Maji Mangulabnan sa Tigresses, naligtasan ang pagkawala ni Cherry Rondina na may sprained foot.

Umiskor si guest player Janine Marciano ng 18 points sa kanyang unang laro sa dating college team SBC, may nine markers si Francesca Racraquin.

Wala pang panalo sa dalawang laro ang Lady Red Spikers.